Monday, October 4, 2010

Paalala

Ito ay naisulat para sa mga taong higit pa kay Willie Revillame kung umasta. Sa mga taong kinauukulan, sana'y magsilbi itong paalala. Maari po lamang na itatak ninyo sa inyong mga lumobong ulo ang mga sumusunod na pahayag.

Una, ang pagiging bihasa sa wikang banyaga ay hindi sapat na dahilan upang inyong isipin na kayo ay nakalalamang sa iba. 

Ang paggamit ng ibang lenguahe ay karagdagang kasanayan lamang na maaaring makatulong sa iyong hanapbuhay o pang araw araw na gawain. Hindi ito sapat na basehan ng kagalingan o katalinuhan.

Pangalawa, ang ganitong pagiisip ay nagpapakita ng kamangmangan.

Kung sa iyong palagay ay dapat isamba ang marunong ng salitang banyaga at liitin ang mga hindi bihasa, ikaw ay nagkakamali sa pagpili ng idolo. Kagaya ng nasabi ko sa aking unang pahayag, kailanman ay hindi ito basehan ng kagalingan.

Pangatlo, ang pangmamaliit sa kapwa sa kadahilanang hindi sya bihasa sa salitang banyaga ay ugaling dapat kasuklaman.

Sabihin natin na ikaw ay mahilig manood ng mga palabas na banyaga kung saan ginagamit ang ibang lenguahe at sa iyong palagay ay bihasa ka na sa paggaya sa kanilang pananalita. Hindi ito sapat na dahilan upang isiping ikaw ay mas nakahihigit sa iba.

~o~

Marahil ay hindi tuwid ang aking pagiisip at maikli ang aking pisi sa araw na ito. Gayon pa man, ito ang aking mensahe sa lahat ng maarte, mayabang, at mapangliit sa kapwa: Nawa'y alalahanin ninyo ang tinuro ng inyong mga magulang nung kayo ay musmos pa. O kung hindi naman, sana ay isaisip na ang karunungan sa salitang banyaga ay hindi dahilan upang magmalaki. Kung hindi pa rin, sana'y kunin nalang kayo ni Lord.

No comments: